December 25, 2024

LUXURY VEHICLE NA TINANGKANG ILUSOT SA CUSTOMS SA DAVAO, NAHARANG

NAPIGIL ng Bureau of Customs ang tangkang pagpapalusot ng mamahaling sasakyanna idineklarang mga gamit na piyesa sa Port of Davao.

Ayon kay District Collector Atty. Erastus Sandino B. Austria, ang pagkakabuking sa luxury car ay resulta ng nakalap na impormasyon ng PNP Sasa police station kaya agad nagpalabas ng alert order sa nabanggit na shipment.

Nang buksan ang container, nakabungad ang iba’t ibang gamit ng piyesa ng mga kotse ngunit nang busisiin, nakita ang isang kulay puting Porsche 911 GT3 RS na nagkamahalaga ng  P15,308,486.14.

Ayon pa kay Port of Davao District Collector Atty. Erastus Sandino B. Austria, galing ang kargamento sa Japan at naka-consign sa isang  JJCTD Import and Export Trading Corp na dumating sa Port of Davao noong August 31 at naeksamin noong Septembe 1.

Katuwang ng BOC sa ikinasang operasyon ang Philippine Drug Enforcers Agency o PDEA dahil sa impormasyon na may illegal drugs na kasama ang naturang shipment ngunit nang suriin ay walang nakitang bawal na droga. Dahil sa paglabag sa Customs law, ang kontrabando ay kinumpiska na ng mga otoridad.