November 18, 2024

LUPIT NG MONTENEGRO TEAM PINAMALAS SA GILAS PILIPINAS

MATAPOS na ilampaso ang African team na Ivory Coast kamakalawa nakatikim naman ang Gilas Pilipinas ng hagupit mula sa European team na Montenegro,102-87 sa ikinasang tune-up  games ng Pilipinas bago ang 23rd FIBA Basketball World Cup na ihu-host ng bansa simula Agosto 25 hanggang Setyembre 10.

Sa simula ng bakbakan ay tinimpla muna ng Montenegro ang tikas ng Pilipinas na may naturalized Pinoy na pambatong si Jordan Clarkson (Utah Jazz star sa NBA), NBA prospect na si Kai Sotto, sentrong si AJ Edu at ang buong tropa ng Gilas Pilipinas na lumamang lang sa first quarter 19-16.

Gumana na ang sistema ng matatangkad na Montenegro na pinalakas ng kanilang NBA star na si Nicola Vucevic ng Chicago Bulls , habang hirap natapatan ni June Mar Fajardo na tokang bantay kay Nicola.

Pagsapit ng third quarter ay nagsumulang umalagwa ang 18th ranked Montenegro at dumistansya na sa 20th ranked Gilas Pilipinas. Namaga ang kalamangan sa double-digit habang nangangapa pa sa opensa sina Sotto at Edu.

Di na bumitaw pa ang Montenegros tungo sa tambak na panalo na ipinalasap  sa hometeam ang leksiyon na kailangang tandaan pagsapit ng mga aksiyon sa FIBA World Cup.

Ang pinal na friendly game ay kontra Mexico bago inanunsiyo ni national team coach Chot Reyes ang final 12 ng Gilas Pilipinas.

Sa araw ng Biyernes (Agosto 25) sasabak na sa unang pagkakataon ang Gilas Pilipinas kontra Dominican Republic sa opening ng FIBA World Cup sa Philippine Arena.   Ang co-host ng tinaguriang best basketball show on earth ang Japan at Indonesia.