Ang coronavirus pandemic ang pangunahing problema sa kalusugan, subalit naging krisis na rin ito sa ekonomiya dahil sa lockdown kaya maraming napurnada at isinara na aktibidad sa pang-ekonomiya sa buong mundo, ayon kay United Nations Secretary General Antonio Gutteres sa isang talakayan kaugnay sa “Rebirthing the Global Economy to Deliver Sustainable Development.”
Sabi niya: “Ang COVID-19 ay isang human crisis, na nauwi sa development at financing crisis habang ang mga umuunlad na bansa ay nahaharap sa pagtaas ng mga demand para sa public spending nang eksakto sa parehong oras habang ang kita sa buwis at pag-e-export, pagpasok ng pamumuhunan, at ang mga remittance ay bumagsak.”
Idinagdag pa niya: “Na tayo ay nasa gitna ng malawak na krisis sa utang, kung saan maraming bansa ay nahaharap sa imposibleng pagpipipilan sa pagitan ng pag-utang o pagprotekta sa kanilang pinakamahina na komunidad at paglaban sa pandemya.
Isa lamang ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na sumailalim sa lock down. Ito’y malaking tulong para pigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus, subalit kailangan gumastos ng bilyong piso upang tulungan naman ang mga taong nawalan ng hanap-buhay.
Kasabay nito, bumagsak ang koleksyon sa buwis dahil maraming nahinto na negosyo. Bumaba ang kita sa pag-e-export dahil ang merkado sa buong mundo ay bumagsak. Bumaba rin ang remittance ng ating mga Overseas Filipino Workers; kaya karamihan sa kanila ay napilitang umuwi sa Pilipinas dahil sa pagtama nga nitong pandemya sa pinagtatrabahuhan nilang bansa.
Maraming mga nasa middle-income countries, ang nahihirapang makabayad ng utang at ngayon ay hindi nakakakuha ng access sa financial market.
Kabilang na nga rito ang Pilipinas, kaya malaking problema ito sa gobyerno, sa ating negosyo at industriya, at ang mga indibidwal na Filipino na labis na naapektuhan nitong coronavirus.
Noong nakaraang Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kung patuloy na maghihigpit ang bansa, maraming mga negosyo ang maba-bankrupt at maraming mga tao ang mamatay dahil nawalan ng hanap-buhay.
Gayundin ang sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa isang pagpupulong sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease.
Ang sabi niya na kailangan harapin ng bansa ang reyalidad na hindi basta-basta mawawala itong virus kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya. Suhestiyon niya rin na limitahan lamang ang lockdown sa mga barangay at kompanya na may mataas na kaso ng coronavirus.
Unang pumutok ang virus sa China noong Disyembre 2019, na kumalat sa buong mundo, at nagpapahirap ngayon sa maraming bansa. May mga nahawa at nasawi na ring mga Pinoy pero hindi natin kailangang magdusa gaya ng United States, Brazil, Russia, India at United Kingdom na ilang daang libo na ang namamatay.
Matapos sumailalim sa iba’t ibang antas ng lockdown magmula noong Marso 15, panahon na para buksan muli ang ating ekonomiya, bago tayo mabiktima ng krisis sa pinansiyal tulad ng sinabi ni UN Secretary General Gutteres.
More Stories
Elpidio R. Quirino, Guro to Pangulo
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino