December 24, 2024

Lucena City General Hospital itatayo na

MANILA — Pinuri  ni Department of Health (DOH)-CALABARZON Regional Director Eduardo C. Janairo ang ginawang hakbang ng mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Quezon para sa pagpapatayo ng Lucena City General Hospital (LCGH) matapos niyang saksihan ang ginanap na ground breaking nito sa Barangay Mayao Parada, Lucena City.

Pinangunahan ang seremonya ni  Quezon 2nd District Representative David Suarez, pangunahing tagapagtaguyod ng LCGH project at suportado nina Alona Party List Representative Anna Villaraza-Suarez at Quezon Province Governor Danilo Suarez.

  “This hospital, once completed, will decongest the Quezon Medical Center and will provide more health service not only in the city but in the entire province of Quezon,” saad ni Cong Suarez.

 “Napakahalaga ng proyektong ito sa probinsya ng Quezon dahil matutugunan nito ang mga iba pang pangangailangang pangkalusugan ng mga residente,” malugod na wika ni Director Janairo sa kanyang talumpati.

“Nagpapasalanat ako sa ating mga lokal na pamahalaan sa kanilang inisyatibong magkaroon pa ng isang ospital upang magbigay ng karagdagang serbisyo sa mga mamamayan at upang maiwasan na ang pagpunta sa malayong ospital upang magpagamot,” dagdag ni Janairo.

“Kailangan nating palakasin ang ating primary health care system upang mapabuti ang kalusugan sa mga komunidad at magagawa natin ito sa tulong ng ating mga local government units.”

Ang lalawigan ng Quezon  ay isa sa maraming nahakot na award dahil sa mga healthcare program nito tulad ng Green Banner Award of 2018 (Crown Award), Outstanding Comprehensive Nutrion Program, at Galing Pook Award para sa Lingap sa Kalusugan for Health Coupon Program.

Imbitado rin sa seremonya bilang panauhing pandangal si Senate committee on health chairman Senator Bong Go kung saan nangako ito na kanyang palalawakin ang pinansiyal na tulong para sa pagpapatayo ng pasilidad.

“Tutulungan natin ang probinsya ng Quezon sa proyektong ito upang mas marami pa tayong Pilipino na mabibigyan ng libreng pangangailangan sa kanilang kalusugan, sa kanilang gamot at lahat ng ito ay ibibigay natin lalo na sa lahat ng mahihirap nating kababayan,” saad niya.