March 17, 2025

LTO pinalakas ang kampanya vs unauthorized sellers ng CTPL

PINAYUHAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza ang lahat ng kawani ng ahensiya, lalo na ang mga nakatalaga sa district offices at satellite offices, na tanggapin ang Compulsory Third Party Liability (CTPL) na ipiniprisinta ng mga motorista sa pagpaparehistro ng mga sasakyan basta’t ito’y mula sa insurance sellers na awtorisado ng Insurance Commission.

Inilabas ni Asec Mendoza ang paalaala matapos makatanggap ng report na may ilang pasaway na LTO personnel ang tumanggi nang tumanggap ng CTPL, dahil hindi sila nag-avail sa mga pinapaborang insurance sellers.

“Hindi po tama ito. For as long as the CTPL is availed from companies accredited by Insurance Commission, valid yun and I advise all motor vehicle owners to fight for it because I will be on your side,” saad ni Asec Mendoza.

“I also warn our personnel na kapag kayo ay inireklamo o nahuli namin kayo na tinatanggihan ang vehicle registration dahil ayaw ninyo ng CTPL, magiging malaki ang problema ninyo sa akin,” dagdag niya.

Nauna nang ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa LTO Chief, na gawing komportable ang lahat ng transaksyon sa mga kliyente ng ahensya.

Napag-usapan din ito sa pagpupulong sa pagitan ng transport groups, insurance companies at iba pang stakeholders partikular ang pagtaas ng insurance benefits.

Asec Mendoza issued the warning in response to the instruction of DOTr Secretary Vince Dizon to make all LTO transactions comfortable to the agency clients, as well as a result of the meeting with transport groups, insurance companies and other stakeholders for the increase in insurance benefits.

Gayundin ang alalahanin ng insurance companies, hinggil sa pagbebenta ng CTPL mula sa mga hindi otorisado ng Insurance Commission.

Nangako si Asec Mendoza na tutugnan ang isyu.  “Bukod sa warning, we will also be deploying mystery customers para mahuli yung mga hindi authorized na magbenta ng insurance at kung sino man ang kakuntsaba nila sa LTO.”

“Only those who are duly licensed by the Insurance Commission to sell insurance are allowed to sell. Everybody should stop. Otherwise, we will conduct operations and launch legal offensive against them,” dagdag niya.

Para naman sa insurance agents, hinimok ni Asec Mendoza ang mga ito na tiyakin na mayroon silang tamang datos para sa pag-encode sa LTO system upang maiwasan ang pagkaantala at mga aberya sa proseso ng pagpaparehistro.

Sinabi ni Asec Mendoza na maglalagay din sila ng mga paabiso sa lahat ng opisina ng LTO upang ipaalam sa mga may-ari ng sasakyan na ang kanilang CTPL ay balido hangga’t ito ay nakuha mula sa mga kumpanyang accredited ng Insurance Commission.