December 25, 2024

LTO PARUSA SA MOTORISTA (1.8M backlog sa plaka sinita)

INUPAKAN ni Senator Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa 1.8 milyong license plate na hindi pa nadedeliber ng naturang ahensiya.

Nadismaya si Poe matapos ibunyag ng Commission on Audit (COA) na sa 2,561,629 pares ng motor vehicle replacement plates na nakakolekta na ng mga bayad mula sa mga may-ari ng sasakyan, tanging 764,514 pares lang ang na-produce ng ahensiya noong Disyembre 2022.

Ayon sa audit team, ang mga replacement plate na may kabuuang 1,797,115 na pares na binayaran ng mga may-ari ng sasakyan noong 2015 sa halagang P808.7 milyon ay hindi pa rin nagagawa at nanatiling hindi naihatid sa iba’t ibang regional offices para ipamahagi.

“Moreover, out of 20,509,807 motorcycle plates that need to be produced …only 8,650,311 were actually produced and issued in 2022 leaving a balance of 11,859,496,” sabi ng COA.
Maliban pa dito, ipinabatid ng Plate Unit and Plate Making Plant (PMP) sa COA na ang 8.65 milyong motorcycle license plates na nakumpleto nito noong 2022 ay para sa mga may-ari ng motorsiklo (MC) mula taong 2018 hanggang 2022.

Dahil dito kinalampag ni Poe ang LTO na bumuo ng catch-up plan upang resolbahin ang milyong-milyong backlog ng mga plaka ng sasakyan.

Sinabi ni Poe na nakakadismaya na patuloy na nagsasakripisyo ang mga motorista sa kakulangan ng plaka sa kabila ng kanilang pagbabayad para rito.

“It’s frustrating that motorists still have to bear the shortage of plates even after paying for them,” ayon kay Poe.

“Parusa na ang pila sa pagpaparehistro o renewal, uuwi ka pang walang plaka,” dagdag niya.

Kailangan anyang resolbahin na ng gobyerno ang ganitong problema at papanagutin ang kanilang private providers na bigong tumugon sa kanilang responsibilidad.

Ipinaalala pa ng senador na nagdudulot ng panganib sa seguridad ang kawalan ng plaka ng behikulo bukod pa sa hindi ito makatarungan sa mga nagbayad ng kanilang plaka.