
ZAMBALES — Kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya para sa kaligtasan sa kalsada, ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang sikat na motorcycle vlogger na si Yanna Moto Vlog matapos masangkot sa isang insidente ng road rage sa Zambales na naging viral sa social media.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kailangang magpaliwanag si Yanna kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho dahil umano sa pagiging “improper person” na magmaneho ng sasakyan matapos siyang akusahan na nagpasimula ng alitan sa kalsada.
“Matagal na nating pinaaalalahanan ang publiko na walang mabuting naidudulot ang init ng ulo sa kalsada—at marami na tayong naparusahan dahil dito,” ani Asec. Mendoza.
“Bilang isang vlogger na may impluwensiya sa social media, sana ginamit niya ito para isulong ang responsableng pagmamaneho at kaligtasan sa kalsada,” dagdag pa niya.
Batay sa video na minonitor ng LTO Social Media Team, makikitang inunahan ni Yanna ang isang pick-up at sabay nagpakita ng “dirty finger” sa driver nito, dahil umano sa umano’y reckless driving ng lalaki. Kalaunan, kinompronta siya ng driver ng pick-up at tinanong kung bakit siya minura, habang ipinaliwanag nitong mahirap ang normal na pagmamaneho sa lubak-lubak na kalsada.
Gayunpaman, patuloy pa rin umano ang pagtatalak ni Yanna at nagbitaw pa ito ng mga mapanirang salita kahit nakaalis na ang lalaki.
Nauna nang tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tuloy-tuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga pasaway at mapanganib na motorista upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa kalsada, lalo’t dumarami ang kaso ng aksidente at road rage.
Bagamat humingi na ng paumanhin si Yanna matapos itong batikusin online, iginiit ni Asec. Mendoza na itutuloy pa rin ng LTO ang imbestigasyon.
More Stories
Rep. Pulong Duterte, Inireklamo sa DOJ Dahil sa Umano’y Pananaksak at Pagbugbog sa Negosyante sa Davao Bar
RICKY DAVAO, PUMANAW NA SA EDAD NA 63
San Juan, Opisyal nang Drug Cleared City—Unang Lungsod sa Metro Manila