March 1, 2025

LTO enforcers sa Panglao, Bohol pinatawan ng suspension

Alinsunod sa kautusan ni DOTr Secretary Vince Dizon, inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief. Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza nitong Marso 1, ang regional director ng LTO Region 7 na maglabas ng preventive suspension order laban sa mga enforcer nito na sangkot sa viral video sa Bohol.

Sinabi ni Asec Mendoza na ang preventive suspension na iniutos ni Secretary Dizon ay dapat agad na ipatupad at mananatiling epektibo hanggang sa matapos ang masusing imbestigasyon.

“Ang utos ko ay tapusin ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon upang matukoy ang katotohanan, malaman kung may mga pagkukulang, at parusahan ang mga mapapatunayang may sala,” saad ni Asec Mendoza.

Noong Biyernes, Peb. 28, isang video ng mga enforcer ng LTO na diumano’y ginagawan ng hindi maganda ang isang motorcycle rider sa Panglao ang kumalat sa social media.

Kaya’t ipinag-utos ni Secretary Dizon ang agarang preventive suspension sa lahat ng tauhan ng LTO na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol at nangakong masususing sisiyasatin ang insidente.

“Mananatiling epektibo ito habang hinihintay ang pagkumpleto ng masusing at walang kinikilingang imbestigasyon ukol sa mga pangyayari sa likod ng insidente, ” ayon sa DOTr, na tumutukoy sa suspension order.

Inutusan din ni Asec Mendoza si LTO Region 7 Director Glen Galario na makipagtulungan sa investigative team na binuo ni Secretary Dizon.

Samantala, nagpaabot ng paumanhin si Asec Mendoza hinggil sa insidente at sinabi na magkakaroon ng mga hakbang upang maiwasan na maulit ang ganitong insidente sa hinaharap.