January 23, 2025

LTFRB CHIEF SINUSPINDE DAHIL SA KORAPSYON

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensiyon laban kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III dahil sa isyu ng korapsyon sa ilalim ng kanyang pamamahala.

Sa statement ng Presidential Communications Office, ipinag-utos din ni Marcos na magsagawa ng imbestigasyon laban kay Guadiz sapagka’t hindi kinukunsinti ng pangulo ang maling gawain sa kanyang administrasyon.

Sinabi rin ng Pangulo na mahigpit nitong kinokondena ang mga taong hindi gumagawa ng tapat sa pagsisilbi sa publiko.

Nag-ugat ang suspensiyon kay Guadiz matapos isambulat ng kanyang executive assistant na si Jeffrey Tumbado, na pinagbabayad ang mga public utility vehicle operators ng transport officials ng higit sa P5 milyon kapalit ng pabor na ruta, prangkisa, special permits at iba pa.

Ayon kay Tumbado na bukod kay Guadiz, may mga opisyal pa sa Department of Transportation (DOTr) at Malacañang ang humihingi ng lagay.

Sa nauna niyang statement, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, na sisimulan ng kanyang ahensiya na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa alegasyon ng korapsyon.