Ipinagamit ng Philippine Army ang kanilang tent sa mga kababayan nating locally stranded individuals (LSIs) na nagkampo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig habang naghihintay na makauwi sa kani-kanilang probinsiya sa pamamagitan ng ‘Hatid Tulong’ program ng pamahalaan. (Kuha ni Jhune Mabanag / AGILA NG BAYAN)
PATULOY pa rin ang pagdagsa ng iba’t ibang locally stranded individuals (LSIs) sa labas ng Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ngayong Huwebes sa pag-asang matulungan sa pamamagitan ng Hatid Tulong program ng pamahalaan.
Ayon sa report, ilang daang LSI ang napauwi na sa kanilang mga tahanan sa probinsiya subalit patuloy pa rin silang dumadagsa sa lugar.
Ang iba’y nagtayo ng tent sa loob at labas ng Libingan ng mga Bayani habang naghihintay ng pagkakataon na makabalik na sa kanilang pamilya.
Ayon kay Hatid Tulong lead convenor Assistant Secretary Joseph Encabo, hindi agad matutulungan ang mga walk-in dahil may prosesong dapat sundin.
Inabisuhan niya mga LSI na i-text muna ang kanilang mga pangalan, eksaktong lugar ng kanilang probinsiya at contact number sa mga nuemrong 09973925148 o 09052562907 para sa mga OFW, 09518914835 para sa mga estudyante, 09452905848 para sa turista at 09666122654 o 09496145288 para sa mga manggagawa.
“Marami pa tayong mga LSIs. Mga kababayan na napag-iwanan, kaunting pasensya na lang. Sa lalong mabilis na panahon, kami po’y tatawag sa inyo at magte-text para mabigyan ng proper instruction ang inyong pag-uwi,” paki-usap ni Encabo.
Inilipat na ang operasyon ng Hatid Tulong Program sa Taguig pero may mga LSI pa rin ang nasama-sama sa labas ng Rizal Coliseum sa Maynila.
“May tumawag sa amin, meron daw ngayon na Balik Probinsya e wala naman. Pagdating namin dito pinaalis kami ng guwardiya. Wala raw mag-register ngayon,” ayon sa isang ginang.
“Napakalapit po kasi natin sa quarantine facility at delikado po sila’t baka mahawa po sila kaya namin sila inaalis dito,” paliwanag ng security guard.
Una nang sinabi ni Encabo na mahigpit nilang ipinatutupad ang ilang hakbang upang hindi na maulit ang nangyaring kumpulan ng mga tao sa Rizal Coliseum na dahilan para magkahawan ng COVID-19 ang ilang LSI.
“Manageable at calculated ‘yung ating pag-send off sa kanila, mas napaaga, mas madali po ang pagdating nila sa probinsya,” wika niya.
“Mas napatindi natin at napa-enhance ‘yung ating medical protocol… mas pinatindi natin ‘yung health assessment bago sila uuwi,” dagdag pa ni Encabo.
More Stories
LEO FRANCIS MARCOS, INATRAS KANDIDATURA
Galvez sa MILF: Magsagawa ng imbestigasyon… 4 PATAY KABILANG ANG 2 SUNDALO, 12 IBA PA SUGATAN SA PANANAMBANG SA BASILAN
CIDG ‘KOLEKTONG ISYU’ MATULDUKAN NA KAYA?