November 24, 2024

LPA at Habagat magpapaulan sa bansa – PAGASA

Ginamit ng mga commuter ang kanilang mga payong bilang panangga sa ulan habang nakapila para makasakay papunta sa kanilang destinasyon sa Quezon City.

ISA na namang Low Pressure Area (LPA) ang namataan ng PAGASA sa silangan ng Mindanao.

Dahil dito ay muling nagbigay ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko patungkol sa dalawang weather system na binabantayan ng ahensya.

Ayon kay Robert Badrina, PAGASA Weather Forecaster, Habagat at Low Pressure Area (LPA) ang minimonitor ngayon nila na nakakaapekto bansa.

Apektado ng Habagat ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.

Batay naman sa 4PM advisory ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 530 kilometro silangan ng Mindanao sa Davao City.

At ito ay magdadala ng pag-ulan partikular sa CARAGA Administrative Region at Davao Region.

Bagama’t mababa ang tyansa na mabuo at maging bagyo ang LPA ay dapat pa rin hindi ito ipawalang bahala ng publiko.

Ani Badrina, posible kasi na magdulot ito ng pagbaha at pagguho ng mga lupa ang dalang mga ulan nito. Pagbibigay-diin pa ni Badrina, maaari pa ring magbago ang lokasyon ng LPA dahil hindi ito katulad ng mga bagyo na halos mayroong exact movement at direction. Kung kaya’t muli niyang pinaalalahanan ang mga publiko na tiyaking nakaantabay sa mga advisory sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page.