December 25, 2024

LOVE SCAMMERS ARESTADO NG BI

Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Nigerian nationals na napatunayang sangkot sa fraud at scamming operations.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr., nadakip ang mga dayuhan noong Pebrero 16 sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines, sa bisa ng Mission Order na inilibas ni BI Commissioner Jaime Morente.

Kinilala ang naarestong dayuhan na sina Shaka Hashimu Dirisu, 41; Anih Chinedu Miracle, 27; at Gabriel Daniel Evans, 31.

Sinasabing sangkot ang tatlo sa isang love scam, target ang mga Pinay na nami-meet nila online, na nakapanloloko ng malaking halaga ng pera.

“We are also investigating their links to a South African organized crime group and other scamming and fraud activities, as well as looking into possible cohorts that are still in the country,” saad ni Manahan.  “They have been using several aliases, and their documents reveal that they are already overstaying,” ibinahagi pa niya.

Nahaharap ang tatlo sa deportation cases dahil sa pagiging overstaying, misrepresentation at pagiging undesirable aliens, sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940, gaya ng inamyenda.

Pinuri naman ni Morente ang ginagawang pagsisikap ng arresting team para habulin ang mga dayuhan na na nanloloko at sinasamantala ang kahinahaan ng mga Filipino sa panahon ng pandemya.

Matatandaan noong unang bahagi ng taong ito, dalawang Nigerians ang naaresto ng National Bureau of Investigation dahil sa umano’y pagkakasangkot sa online banking fraud na nakaapekto sa hindi bababa sa 700 kliyente ng major banking institution.