April 13, 2025

LOUIE SALVADOR NG ‘PINAS NAGHARI SA FIDE-RATED CHESS TILT SA THAILAND

Ikalawa mula sa kaliwa, ang Pilipinong si Louie Salvador.

Tinanghal na kampeon ang Pilipinong si Louie Salvador sa Rooky Mini-Open 2025 Standard Open Chess Championship (FIDE-rated) na  ginanap sa Forum Park Hotel sa Bangkok, Thailand mula Abril 4 hanggang 7, 2025.

Nagtapos si Salvador sa 7-round Swiss system format ng torneo na may 6 puntos, matapos makapagtala ng 5 panalo at 2 tabla, sapat upang masungkit ang kampeonato at ang cash prize na Thai Baht 10,000.

Tinalo niya sina Muhammad Wildan ng Indonesia (Round 1), Yuta Abe ng Japan (Round 2), Zhengcheng Liu ng China (Round 3), FIDE Master Alexander Chernyavsky ng Russia (Round 4), at Arsens Batashevs ng Latvia (Round 5).

Nagtabla naman siya kina FIDE Master Arif Rahman Saragih ng Indonesia sa Round 6 at kapwa Pilipinong si Remark Bartolome sa ikapitong at huling round.

Bagama’t pareho silang nagtapos ni Batashevs na may 6 na puntos, si Salvador ang kinilalang kampeon sa pamamagitan ng superyor na tie-break points.

“Salamat po sa Diyos sa panalong ito. Salamat sa aking pamilya, sa mga kaibigan, at sa lahat ng sumuporta, maraming salamat po,” ani Salvador, isang residente ng Quezon City na ngayon ay naninirahan sa Bangkok bilang guro ng chess.

Si Salvador ay dating manlalaro ng San Sebastian College sa ilalim ng batikang coach na si National Master Homer Cunanan. (DANNY SIMON)