December 25, 2024

Lolo, totoy arestado sa P70K shabu sa Caloocan drug bust

TIMBOG ang isang lolo at kasabwat nitong binatilyo matapos makuhanan ng mahigit P70,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si alyas Ornel, 67, ng Brgy. 36 at ang na-rescue na binatilyo.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na dakong alas-12:58 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ng buy bust operation kontra kay Ornel sa Macabalo St., Brgy., 36.

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P7,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na binatilyo.

Nakumpiska sa kanila ang humigi’t kumulang 10.7 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P72,760.00; at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang pitong pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap si Ornel sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang tinurnover naman sa pangangalaga ng City of Social Welfare and Development ang nailigtas na binatilyo.