November 24, 2024

Lolo nabanga ng jitney sa Malabon, todas

Patay ang isang matandang lalaki matapos aksidenteng mabangga isang pampasaherong jitney na nawalan ng kontrol sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang nasa 55-60 ang edad, nasa 5’6-5’7 ng taas na nakasuot ng stripe polo-shirt at green short.

Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng jitney na kinilalang si Raul Suarez, 62 ng 48 C Arellano St., Brgy. San Agustin.

Sa report ni PSSg Robert Cabasag kay Malabon police chief P/ Col. Amante Daro, habang minamaneho ni Suarez ang isang Isuzu jitney na may rotang Gasak-Divisoria sa kahabaan ng C Arellano St. Brgy. Baritan dakong ala-1:30 ng hapon nang mawalan umano siya ng kontrol sa sasakyan.

Dahil dito, aksidenteng nabangga ng jitney ang biktima na naglalakad sa nasabing lugar na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan habang dinakip naman ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 7 ang jitney driver.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga kamag-anak ng biktima na dinala sa NPD Crime Laboratory sa pamamagitan ng facility ng NATE Funeral Services para sa autopsy examination.