April 1, 2025

LOLO KALABOSO SA BARIL, SHABU SA MALABON

Sa loob ng rehas na bakal ang bagsak ng 62-anyos na lolo nang mahuli sa akto na may bitbit na baril habang pagala-gala sa kanilang lugar at makuhanan pa ng droga sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, itinawag ng kanyang mga kalugar sa Police Sub-Station 2 ng Malabon police ang pabalik-balik na paglalakad ng suspek na si Lolo ‘Divino’, sa kanilang lugar sa Concepcion St. Brgy. Tugatog habang may bitbit na baril na tila may inaabanga na kaaway.

Kaagad namang nagresponde sa lugar sina P/SSg Marty Vilbar, P/Cpl. Leo Dave Legaspi, at Pat. Philmark Tongco kung saan naabutan nila ang suspek na may hawak ngang baril dakong ala-1:50 ng madaling araw.

Hindi na pinaporma ng mga tauhan ni Col. Baybayan si lolo Divino at agad dinamba kung saan nakumpiska sa kanya ang hawa na isang kalibre .40 Jericho pistola na may sampung bala sa magazine.

Nang kapkapan, nakuha pa kay Lolo Divino ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng 15.92 gramo ng shabu na nagkakalahaga ng P108,256.00.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office.