September 24, 2024

LOLO ARESTADO SA PANGGAGAHASA

SWAK sa kulungan ang isang lolo na wanted sa kaso ng panggagahasa matapos malambat ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng 65-anyos na akusado na nasa top 4 most wanted person ng lungsod.

Inatasan ni Col. Cayaban ang Station Intelligence Section (SIS) na bumuo ng tema para tugisin ang akusado na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya dakong alas-9:40 ng gabi sa Bonggang Villa St, Bahayang Pag Asa, Brgy. Maysan,

Binitbit ng mga tauhan ng SIS ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Regional Trial Court Branch 270, Valenzuela City para sa kasong Rape.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.