
TODAS ang isang lola habang sugatan ang kanyang anak na nagmamaneho ng motorsiklo at isa pang rider matapos ang naganap na aksidente sa Valenzuela City.
Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela Emergency Hospital ang biktimang si Luzviminda Libatique, 63, government employee at residente ng Northville 2, Brgy. Bignay habang ginagamot naman sa naturang pagamutan ang kanyang anak na nagmamaneho ng motorsiklo, at isa pang rider na kanilang nakabanggaan.
Mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang 42-anyos na guro sa pampublikong paaralan na si alyas “Irene”.
Ayon sa ulat, tinatahak ng motorsiklong sinasakyan ng mag-ina ang kahabaan ng Narciso St. Brgy. Canumay East patungong Paso De Blas dakong alas-6:30 ng umaga nang masagi sila ng nag-overtake na Toyota Rush sports utility vehicle (SUV) na minamaneho ng guro.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang rider at nabangga nila ang kasalubong na isa pang motorsiklo na dahilan upang tumilapon ang mga biktima habang tumakas naman ang SUV na minamaneho ng suspek.
Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang mga biktima sa nasabing pagamutan subalit, idineklarang patay ang lola habang nadakip naman ng pulisya ang suspek sa follow-up operation sa Brgy. Bignay dakong alas-4:30 ng hapon.
More Stories
‘BOY DILA’ NG SAN JUAN, HIMAS-REHAS ANG BAGSAK (Dahil sa pagsitsit sa menor de edad)
₱1.6-M shabu nakumpiska; 4 na tulak timbog sa Rizal at Batangas
Ginang dinukot at tinangayan ng SUV sa Laguna; 2 suspek arestado sa Quezon