November 24, 2024

Lokal na industriya ng pagbababoy, matsutsugi sa EO 28

Duda si Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva sa mga pinagbasehan sa pagpapalabas ng Executive Order 128 na nagpapataas sa minimum access volume para sa importasyon ng baboy, at nagbababa naman sa taripa.

Katuwiran nito, hindi naman na-establish na walang kakayahan ang local producers na tugunan ang demand sa karneng baboy.

Gayundin, wala anyang basehan at sobra-sobra sa consumption demand ng bansa ang dami ng papayagang angkatin.

Hinala ni Villanueva, may nangyaring sabwatan sa mga nangungunang kumpanya ng pork importers at mga tiwaling tao sa gobyerno para pagkakitaan ang sitwasyon.

Iginiit ng kongresista na papatayin ng EO 128 ang kabuhayan ng mga Pilipinong magbababoy.

Patunay anya rito na sa kanila sa Bulacan ay bagsak na bagsak ang hog raisers at marami ang nawalan na ng ganang magpatuloy sa negosyo.