January 25, 2025

LOCKDOWN SA BULACAN JUVENILE FACILITY, PINALAWIG PA NG 1 WEEK

Pinalawig pa ng isa pang linggo ang ipinatutupad na hard lockdown sa Bahay Tanglaw Pag-asa (BTP) sa Malolos, Bulacan upang matiyak na mapigilan ang coronavirus disease (COVID-19).


Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Provincial Health Officer II at chief ng Bulacan Medical Center, nagpositibo sa virus ang hindi bababa sa 95 katao na karamihan ay “children in conflict with the law (CICL) at staff ng BTP nitong mga nakaraang linggo.

Ilan sa mga infected aniya ay 80 youth inmates, siyam na empleyado ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at anim na jail guard.

Isinailalim sa hard lockdown ang juvenile reformation at correctional facility sa Barangay Guinhawa magmula nang magpotibo ang mga nakakulong na kabataan at staff.

Mabatid na isang staff ang dumalo sa isang birthday party kung saan positibo sa COVID-19 ang celebrant kaya nagkaroon ng hawaan.

Ayon kay Celis nakumpleto na ng mga pasyente ang 14-day quarantine period subalit nagdesisyon sila na palawigin pa ang lockdown ng pitong araw.

Ang Bahay Tanglaw Pag-asa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng PSWDO.

Sa kasalukuyan, may mahigit kumulang 100 CICLs ang nakapiit sa pasilidad, na may mga kasong rape, robbery at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.