November 24, 2024

Liquor ban tinanggal na sa Navotas

Tinanggal na ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang ipinatupad nitong liquor ban kaugnay ng magiging bilang ng mga kaso ng COVID-19 matapos ang Kapaskuhan.

Sa bisa ng City Ordinance No. 2021-07 na pinirmahan ni Mayor Toby Tiangco, pinawalang-bisa na ang pagbabawal sa pagbili o pagbenta ng alak o inuming nakalalasing sa lungsod simula Pebrero 1, 2021.

“Ito po ay ayon sa ating napag-usapan na tatanggalin natin ang liquor ban kapag manageable o hindi masyadong tataas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod pagkatapos ng Kapaskuhan. Bagaman tumaas po nang bahagya ang ating mga kaso, kaya pa rin po natin itong makontrol,” ani Toby Tiangco.

Nanatili namang ipinagbabawal ang pag-inom ng anumang nakalalasing sa pampublikong lugar tulad ng daan, eskinita, liwasan, at labas ng tindahan na sumasakop sa pampublikong daan o bangketa alinsunod sa Municipal Ordinance 2002-06.

Sabi ng alkalde, ang mga lalabag sa patakarang ito ay bibigyan ng naaangkop na parusa.

Nagpasalamat si Mayor Tiangco sa lahat ng nakiisa sa panawagang na manatiling maingat at sumunod sa safety measures.

“Mahalaga po ang ating kooperasyon at pagsunod para masiguro ang kaligtasan ng bawat Navoteño,” ani Tiangco.

Nauna nang pinayagan ng pamahalaang lungsod na buksan ang mga palengke at groceries tuwing Linggo kung saan lingguhan din silang nagsasagawa ng pangkalahatang paglilinis at pagdidisimpekta at sundin ang iba pang mga safety protocol.