
Sa panahong ang tiwala ng mamamayan sa hanay ng kapulisan ay muling itinatayo, muling yayanigin ito ng mga alegasyong bumabalot sa Calabarzon: koleksyon mula sa ilegal, payola mula sa sugal, at pagkakabit ng mga pangalan ng respetadong opisyal sa mga anino ng katiwalian.
Ibinubunyag ngayon ng mga tagaloob at operator ng ilegal na sugalan ang pangalan ng mag-amang sina Sgt. Ronald Adlawan at alyas “Don Don” Adlawan, diumano’y ginagamit ang pangalan nina Batangas Police Provincial Director Col. Jacinto “Jack” Malinao at CALABARZON Regional Director BGen. Paul Kenneth Lucas upang makapaningil ng “intelihensyang payola” mula sa mga peryahan at iligal na negosyo—kasama na ang mga operasyong may kaugnayan sa pambubugaw at bentahan ng droga.
Hindi rin ligtas sa ulat ang isang alyas “Sgt. Dimapilis” na sinasabing kinatawan ng RSOU 4A, at ang isang alyas “Tata Obet”, na nagpapakilalang kolektor para sa CIDG Batangas at diumano’y naghahatid ng bahagi ng lagay sa mismong tanggapan ni CIDG Director MGen. Nicolas Torre III.
Ngunit ang mas nakababahala ay hindi lamang ang aktwal na pagkolekta kundi ang paggamit ng mga pangalan ng mga iginagalang na opisyal para sa pansariling interes. Sa tagal ng kanilang serbisyo at sa kredibilidad na kanilang pinangangalagaan, gaya nina Gen. Lucas at Gen. Torre, hindi kapani-paniwala na sila’y magiging kasangkot sa ganitong kababawan at kahalayan ng sistema.
Kaya’t dapat lamang na imbestigahan agad ang mga nabanggit na pangalan. Kung totoo ang mga akusasyon, dapat managot ang mga nagpapanggap at gumagamit sa kapangyarihan ng PNP para sa pansariling kapakinabangan. Kung hindi naman totoo, kailangang mapanagot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon at sinisiraan ang institusyon.
Huwag nang hayaang magpatuloy ang ganitong kabulukan. Hindi na biro ang epekto nito sa hanay ng pulisya. Nakalulungkot na ang mga perya-sugalan ay patuloy na umaani ng kita mula sa mahihirap—mga tatanggap sana ng ayuda, mga pamilyang walang ibang mapagkakitaan. Sila ang tunay na talo sa ganitong sistema.
Panahon na para patunayan ng PNP na buhay ang kanilang sinumpaang tungkulin: “To serve and protect.” Ipatupad ang “No Take Policy” nang walang takot at kompromiso. At sa panig ng mamamayan, mananatiling bukas ang ating mata’t panulat sa mga susunod pang pagbulgar.
Abangan ang susunod na exposé.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa [email protected]
More Stories
JAKE PAUL VS CHAVEZ JR! SUNTUKAN NGAYONG HUNYO — ‘EL GALLO DE DORADO’ VS ANAK NG LEYENDA!
5 patay sa lunod noong Biyernes Santo, mga nasawi umakyat na sa 9 sa Calabarzon
KAGAWAD TIMBOG SA PANINILIP SA DALAGITA!