January 23, 2025

LIGA BASEBALL PHILIPPINES HAHATAW NA SA MAYNILA

TABI muna PBA , PVL, SBA, PFL at iba pang pro-league sa bansa.

Bigyang-daan ang pag-entra ng pinaka-bagong liga na tiyak na ikagugulat ng lahat dahil hahatak ito ng libu-libong  baseball enthusiasts at followers sa bansa na sabik nang makapanood ng mas eksklusibo at de-kalidad na laro ng baseball sa diamond ng RMBS sa Adriatico at Vito Cruz, Malate, Maynila.

Ang Liga Baseball Philippines, Inc. ay naitatag na sa pagsisikap ng mga stakeholders na kilala sa larangan ng sports partikular sa larong baseball na una nang naging paboritong pastime ng bayan tulad din sa mga pamosong  baseball countries na USA, Dominican  Republic, Cuba, Australia, Japan, Korea, Taiwan at iba pa.

Ang LBP top honchos ay binubuo nina Amando N. Zamora bilang Chairman, Jose Antonio V. Muñoz (President), Rodolfo N. Tingzon, Jr. (Executive Director), Joaquin Loyzaga (Director), Rene Andrei Q. Saguisag (Director), Jude Torcuato (Director), Felipe Antonio V. Remollo (Director), Jose Emmanuel M. Eala (Director), Josedinno Mariano (Director), Raymond B. Tolentino (Director) Anthony R. Suntay (Director), Michael M. Zialcita (Director), Mariano N. Arroyo Jr. (Executive Administrator) at Julie Anne Yabes (Corporate Secretary).

 “There’s a new league in town. Make way for LBP, the first commercial baseball league in the Philippines. Ibabalik natin ang glory ng sport na ito na mas nauna pang sumikat na team sport sa  bansa bago ang basketball,football at volleyball,” wika ni Zamora.

 “We would like to see once more the queue of baseball fans at the stadium’s ticket booth to witness exciting and electrifying games at the diamond,” optimistikong pahayag ni Munoz.

Ayon naman kay Tingzon, ilalahad na ng LBP ang walong koponang kalahok sa buwenamanong  season nito bago ang itinakdang team management at coaches meeting sa lalong madaling panahon ilang araw bago sumambulat ang opening ng ligang tinaguriang ‘Tingzon Cup’ na parangal at pagkilala sa isa sa alamat ng baseball leadership sa bansa na si Rodolfo Tingzon, Sr.

Sinabi pa ni Zamora na tampok sa inobasyon sa paniyak na pag-angat ng mga laro sa pro-baseball ay ang mga laro sa gabi at ang pakakaroon ng modernong electronic score board na tiyak na hahataw ng atraksyon sa baseball fans.

Ang LBP ay todo-suportado at may basbas ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ng pinamumunuan ni Pangulong Chito Loyzaga.

Huling napuno to the rafters ang Rizal Memorial Baseball Stadium ay noong gold medal baseball  championship 2005 Southeast Asian Games sa pagitan ng Pilipinas at Thailand kung saan ay kumbinsidong panalo ang host Philippines.

Ang larong baseball ay may markado at mahabang kasaysayan sa Pilipinas mula nang ipakilala ito sa bansa noong nakaraang siglo at noong 1954 ay naghari ang Philippine  national team sa inaugural  Asian Baseball Championship 1954 tungo sa pagiging national pastime noong dekada ’60 at ’70.

“Ibabalik natin ang glorya, karisma at puwersa  ng larong baseball sa Pilipinas,” ayon sa mga taga-LBP. (DANNY SIMON)