
IMUS CITY, Cavite — Arestado ang sinasabing lider ng Zamora Drug Syndicate at tatlo pa niyang kasabwat na pawang mga High Value Individuals sa isang matagumpay na anti-illegal drugs buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Cavite Provincial Police Office at Imus Component City Police Station pasado alas-7 ng gabi nitong Martes, Hunyo 10, 2025, sa Barangay Anabu 2E, Imus City, Cavite.
Sa ulat na isinumite kay PRO 4A Calabarzon Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, kinilala ang target ng operasyon na si alyas “Jerome”, ang umano’y lider ng sindikato. Kasama rin sa naaresto ang tatlong kasabwat na sina alyas “Jason”, alyas “Orland”—kapwa residente ng Imus—at si alyas “Lea”, na residente naman ng Barangay Zapote 4, Bacoor City, Cavite.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang knot-tied plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 65 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P442,000.00. Bukod dito, nakuha rin ang isang caliber .45 na baril na may isang magazine at apat na bala.
Nahaharap ang apat sa kasong paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang si alyas “Orland” ay sasampahan din ng karagdagang kaso sa ilalim ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Ulat nina KOI HIPOLITO at ERICHH ABRENICA)
More Stories
Pacers Bumawi, Tinambakan ang Thunder sa Huling Yugto para Makuha ang 2-1 NBA Finals Lead
Tulak, isinelda sa P340K droga
No. 4 regional top most wanted person, huli sa Caloocan