January 26, 2025

Lider ng kulto na si ex-Cong Ruben Ecleo Jr timbog sa Pampanga

Iniharap sa mga mamahayag ang number 1 most wanted na lider ng kulto na si dating Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo sa National Capital Regional Office (NCRPO) sa Taguig City matapos ang ilang taong pagtatago sa mga awtoridad dahil sa kasong pagpatay na may patong na P2-milyon  nang mahuli sa Beverly Golf Course sa San Fernando Pampanga habang naglalaro ng golf na matagal nang sinubaybayan ng mga operatiba. Nakuha sa kanya ang P173,000 at iba’t ibang identification card na ginagamit niya para itago ang tunay na pagkakilanlan. (DANNY ECITO)

NASA kustodiya na ngayon ng pulisya si dating Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo Jr., ang supreme master” ng grupo ng kulto na Philippine Benevolent Missionaries Association (PBMA) matapos maaresto sa Pampanga.

Iniharap si Ecleo sa media ni Maj. Gen. Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police Office.

Nabatid na si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P2 milyong pabuya para sa kanyang ikadarakip.

Ang driver ni Ecleo na kinilalang si Benjie Relacion Fernan alyas `Smile’ ay inaresto rin dahil sa pagkakanlong sa dating mambabatas o paglabag sa Presidential Decree 1829 (penalizing obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders).

Dinala sina Ecleo at Fernan sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Noong 2016, inutos ang pag-aresto kay Ecleo matapos mapatunayan guilty ng Sandigan Bayan sa graft and corruption kaugnay sa maanomalyang konstruksyon ng ng pampublikong palengke, munisipyo at rehabilitasyon ng gusali na pag-aari ng kulto ng pamilya noong siya ay mayor pa ng San Jose sa Dinagat Island mula 1991 hanggang 1994.

Hinatulan siya ng 31 taon na pagkakabilanggo sa nasabing krimen.

Noong 2012, hinatulan din siya ng habambuhay na pagkakabilanggo matapos mapatunayang guilty sa parricide sa pagkamatay ng kanyang asawa na si Alona Bacolod-Ecleo.

Sinakal hanggang mamatay si Alona sa kanilang bahay sa Cebu City noong Enero 2002. Natagpuan ang kanyang katawan sa loob ng isang garbage bag na itinapon sa isang bangin sa bayan ng Dalaguete.