November 2, 2024

Lider ng “Jamal Criminal Gang”, 1 pa timbog sa P816K shabu sa Caloocan

Arestado ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) si Muamar Abiden, 31, (HVI), sa buy bust operation sa kanyang bahay sa No. 94 A Palon St.,Brgy. 69, Caloocan City. Nakumpiska sa kanya ang tinatayang nasa 100 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00, at marked money. (RIC ROLDAN)

Kalaboso ang dalawang drug suspects, kabilang ang lider ng “Jamal Criminal Gang” matapos makuhanan ng mahigit P.8 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Caloocan City.

Sa report ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Lt. Col. Renato Castillo kay Northern Police District (NPD) Director PBGEN Jose Santiago Hidalgo Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng DDEU ng impormasyon mula sa kanilang impormante na nagbebenta umano ng shabu si Muamar Abiden, 31, (HVI).

Dakong alas-6:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng DDEU sa pangunguna PSMS Michael Tagubilin ang buy bust operation sa bahay ni Abiden sa No. 94 A Palon St., Brgy. 69 na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya matapos bentahan ng P7,500 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 100 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P680,000.00, marked money na isang P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at pouch.

Sa Brgy., 176, Bagong Silang, nirespondehan ng mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section sa pangunguna nina PMAJ Rengie Deimos at PMAJ John David Chua sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Samuel Mina Jr, ang natanggap na impormasyon mula sa Barangay Information Network (BIN) na nagbebenta umano ng shabu ang lider ng “Jamal Criminal Gang” na si Jamaloden Assirong alyas “Jamal”, 28, sa kahabaan ng Phase 1, Package 1, Block 15, Lot 3.

Pagdating sa lugar dakong alas-3:20 ng madaling araw, naaktuhan ng mga pulis ang suspek na may inaabot na hinihinalang shabu sa isang lalaki na nakasuot ng surgical mask subalit, nang mapansin sila ng mga ito ay mabilis nagpulasan ang dalawa kaya hinabol sila ng mga operatiba hanggang sa makorner si Jamal habang nakatakas naman ang isa.

Narekober kay Jamal ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa 20 grams ng hinihinalang shabu may standard drug price P136,000.00 at P510.00 cash.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.