
Hindi lang bagong leksyon kundi libreng serbisyong medikal rin ang bumungad sa mga mag-aaral at guro ng Esteban Abada Elementary School ngayong unang linggo ng klase, sa paglulunsad ng programang CLASS+ (Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus).
Ang CLASS+ ay pinangunahan ng Department of Education (DepEd), katuwang ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na unahin ang kalusugan ng mga mag-aaral at guro sa pampublikong paaralan.
“Binibigyang-priyoridad talaga ni Pangulong Marcos ang edukasyon at kalusugan ng mga mag-aaral,” ani Education Secretary Sonny Angara sa kickoff event.
Sa ilalim ng CLASS+, naging access point ang mga school clinic sa PhilHealth Konsulta Package, kung saan mahigit 400 estudyante at guro ang agad na nakinabang sa libreng medical consultation, laboratory tests, essential medicines, at health counseling. Nagkaroon din ng mobile registration booths para sa mga hindi pa miyembro ng PhilHealth.
Bukod sa konsultasyon, maaaring i-refer ang mga pasyente sa Konsulta providers o partner hospitals para sa karagdagang gamutan.
Kasabay ng CLASS+, ipinatutupad din ng DepEd ang Learners’ Health Assessment and Screening (LHAS) sa lahat ng pampublikong paaralan. Saklaw nito ang:
- Nutritional assessments (Kinder to Grade 6) – height, weight, BMI
- General physical exams – simula Hulyo
- Oral health screening – simula Hulyo
- Mental health screening – mula Agosto hanggang Disyembre gamit ang CARS at HEEADSSS tools
Layon nitong maagang matukoy ang health issues ng mga bata upang maagapan bago makaapekto sa kanilang pag-aaral.
Batay sa datos mula sa LHAS, maglalabas ang DepEd at PhilHealth ng isang School Health Package na bubuo ng angkop na PhilHealth benefits para sa bawat paaralan. Saklaw nito ang suporta sa mga primary care services na ibinibigay sa school clinics.
Ang CLASS+ ay patunay ng whole-of-government approach ng administrasyon ni PBBM, na nagsusulong ng edukasyong hindi lang nakatuon sa talino kundi pati sa kalusugan, kapakanan, at kinabukasan ng bawat batang Pilipino.
More Stories
RR Pogoy, susi sa panalo ng TNT
Kagawad timbog sa panggugulpi at pamamaril sa Malabon
YouTuber Vitaly Zdorovetskiy nakapagpiyansa, ibinalik sa BI Holding Facility