January 15, 2025

Libreng malinis na tubig inihandog ng Chinese Embassy para sa ‘Odette’ victims

Mahigit sa 100,000 na bote ng drinking water para sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo ang ipinagkaloob ng Chinese government noong Miyerkoles, Disyembre 29.

Itinurn-over ng Chinese Embassy sa Maynila ang donasyon na nagkakahalaga ng P1 milyon sa Department of National Defense at Office Civil Defense sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Pinangunahan ni Chinese Embassy political counsellor Zhou Yong ang turnover kasama sina Department of National Defense Undersecretary Cesar Yano at Office of Civil Defense Operations Service Director Raffy Alejandro.

Tiniyak ng embahada na patuloy ang pagpapalawig ng tulong sa mga kaibigang Filipino.

Noong Martes, itinurnover din ng Chinese Embassy ang 1,500 tonelada ng bigas na idinonate ng Chinese government sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Upper Tabok, Mandaue City.

Noong Disyembre 21, matapos ang pananalasa ng bagyong Odette, namigay ang Chinese Embassy ng 20,000 food packages na nagkakahalaga ng P8 milyon. Bawat package ay may laman na 5 kilo ng bigas, 10 canned foods, 10 noodles packs.

Nangako rin ang Chinese government noong Disyembre 22 na maglalan ng P50 milyon na emergency cash assistance sa Pilipinas upang tulungan ang gobyerno at mga kababayan natin na sinalanta ng bagyo at maipatayo kaagad ang kanilang mga kabahayan.