May 25, 2025

Libreng Kurso sa Kolehiyo, Alok ng PUP Open University Program

Mas pinalawak at pinadali na ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang pag-abot ng pangarap na makapagtapos ng kolehiyo sa pamamagitan ng PUP Open University System, kung saan libre ang tuition at flexible ang oras ng pag-aaral.

“Kabilang ang PUP Open University System doon sa free tuition na nasa batas natin. Hindi ito yung traditional system na papasok ka araw-araw. Actually, meron tayong combination ng synchronous at asynchronous learning,” ayon kay Dr. Rudolf Lacerna, executive director ng PUP Open University System.

Mula sa dalawang kurso noong una, lumawak na ito sa mahigit 10 undergraduate programs kung saan maaaring pumili ang mga aplikante. Ilan sa mga ito ay mula sa:

  • Business Administration: Marketing Management, Office Administration, Tourism Management
  • Communication: Journalism, Advertising, Public Relations
  • Engineering at Information Technology: May mga iniaalok na espesyalidad para sa mga tech at science-related fields

Ang sistema ay bukas hindi lamang para sa regular na estudyante, kundi pati na rin sa mga working parents, Persons with Disabilities (PWDs), Persons Deprived of Liberty, at maging sa mga nakaligtas sa malubhang karamdaman. Walang age limit ang mga maaaring mag-apply.

Kinakailangan lamang pumasa sa entrance examination at magsumite ng mga dokumento gaya ng:

  • Birth certificate
  • High school credentials na naaayon sa curriculum noong panahon ng pag-aaral

Layunin ng PUP Open University na mas maging inklusibo at abot-kaya ang edukasyon, lalo na para sa mga hindi kayang pumasok araw-araw o may ibang obligasyon sa buhay.

Para sa mga interesadong mag-apply, maaaring bumisita sa opisyal na website ng PUP Open University System para sa mga detalye at application schedule.