January 23, 2025

LIBO-LIBONG PAMILYA SA MARIKINA CITY NAGPASAKLOLO SA PAMAHALAAN (Matapos malubog ang kanilang lugar sa baha)

Pansamantalang tumuloy ang libo-libong pamilya na apektado ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina sa evacuation center sa Malanday Elementary School sa Marikina City,

INALALA ng ilang residente ng Barangay Malanday sa Marikina City kung papaano nalimas ang kanilang mga kagamitan matapos malabog sa baha ang kanilang lugar kahapon dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina.

“Bilis po noong pagtaas ng tubig. Wala po kami naisalba kahit isa. Pati po ‘yung hanapbuhay namin na sari-sari store binaha. Inuna po namin ‘yung mga bata. Maghapon po kami basa kagabi. Tapos wala, wala rin po kaming makain,” emosyonal na saad ni Christine.

Ilang bahagi ng Metro Manila at kalawig na lalawigan ang nalubog sa baha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.

“Wala kami nailikas eh kundi ’yung damit lang namin, at saka ‘yung dalawang bata. Dalawang linggo kami halos basa kasi wala kami maisuot,”  ani ni John Steve Sebastian, residente ng Marikina.

Parehong umapela ng tulong sina Christine at Jonh Steve upang makapagsimula muli ng panibagong buhay.

“Pagkain na lang sana. Hindi naman kailangan ‘yung pera, kailangan ‘yung pagkain. Para habang naglilinis kami ng putik, may makakain kami,” ani John Steve.

Kahit konting pinansiyal lang po, makabangon man lang po kami. Ang hirap po ng sitwasyon namin dito,”  saad naman ni Christine.