Sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nagluluksa ang Liberal Party, kung saan siya ang nagsisilbing Chairman Emeritus.
“Binabalot ng malalim na pagluluksa ang Partido Liberal sa pagpanaw ng aming Chairman Emeritus… Mabuting tao si PNoy, at pinabuti ni PNoy ang buhay ng Pilipino,” ayon sa pahayag ng LP.
“Mahusay at dakila siyang pinuno. Napakarami niyang natulungan. Ibinigay niya ang lahat para mapaglingkuran tayo.”
“Sinasalamin ng tawag nating lahat sa kanya— PNoy— ang diwa ng kanyang pagka-Pangulo: Tunay na kaisa ng karaniwang Pinoy; sumasagisag sa pinakamatataas nating ideyal; may tapang at sigasig sa harap ng maraming hamon,” ang bahagi ng pahayag na inilabas ng partido.
Ayon sa partido, nawala sa bansa ang isa sa pinakamagandang ehemplo kung ano ang dapat na isang pangulo ng bansa, ang pagkakaroon ng integridad na hindi maaring kuwestiyonin.
Isinalarawan din si Aquino ng kanyang partido na ginagawa ang anuman lumalabas sa kanyang bibig. Hindi anila ito tumitingin sa kulay ng politika dahil pantay-pantay nitong pinagsisilbihan ang lahat.
More Stories
Tulak, kalaboso sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Malabon
Driver, arestado sa baril sa Malabon
80K NANAY MAKAKATANGGAP NG P350 MONTHLY SA ILALIM NG EXPANDED 4Ps – DSWD