December 24, 2024

LGUs, pinakilos ng DILG laban sa Colorum Vehicles

Inatasan ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang mga lokal na pamahalaan o LGUs na kumilos laban sa mga kolorum na bumibiyahe sa kanilang nasasakupan.

Batay sa DILG Memorandum Circular 2024 26, inatasan ni Abalos ang mga LGU na magpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga colorum operator na gumamit ng  transport terminal.

Ayon sa Kalihim, dapat tiyakin ng mga LGU na ang lahat ng nagpapatakbo ng  pampublikong transportasyon ay may franchise o certificate of public convenience (CPC) mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bago sila payagang gumamit ng mga transport terminal at makapag-operate ng kanilang mga ruta.

Matagal na aniya itong isyu kaya inaatasan niya ang mga LGU na tiyaking walang colorum operators na makapag-o-operate sa kanilang hurisdiksiyon.

Aniya, dapat tiyakin ng mga LGU na lahat ng operating public transport entities ay may naaangkop na franchise o ang CPC mula sa Land Transportation, Franchising, and Regulatory Board (LTFRB).

Ang CPC ay isang awtorisasyon na inisyu ng LTFRB para sa operasyon ng mga serbisyo sa transportasyon ng lupa para sa pampublikong paggamit ayon sa hinihingi ng batas.

Inatasan din niya ang mga LGU na magsagawa ng inspeksyon sa mga public utility vehicles sa mga terminal na nasasakupan nila at sa mga lokal na kalsada sa pamamagitan ng mga checkpoint, at ireport ang mga colorum operator sa LTO at LTFRB.

Aniya, layon ng kautusan na mabantayan ang kaligtasan ng mga pasahero kaya napakahalaga aniya na manguna ang  mga LGU upang matigil ang operasyon ng mga colorum operators.

Inilabas ni Abalos ang kautusan matapos ang pag papadakip sa isang malayong kamag-anak na babae na umaarbor sa  MMDA sa kolorum na van na hinarang at inaresto ang driver.