November 24, 2024

LGUs, MMDA, at DPWH, nagkasundo sa agarang pagsasaayos ng Malabon-Navotas Navigational Gate

NAGSAGAWA ng pagpupulong ang local government units (LGUs) ng Navotas at Malabon, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Department of Public Works and Highways (DPWH) para pag-usapan ang agarang pagkukumpuni ng nasirang navigational gate ng Malabon-Navotas River upang maiwasan ang pagbaha sa panahon ng tag-ulan.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na napagkasunduan nilang magtulungan para matapos ang pagsasaayos ng navigational gate hanggang Agosto 17.

Idinagdag niya na iminungkahi din ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro na i-tap ang pondo ng Office of the Civil Defense disaster fund upang dagdagan ang badyet para mapabilis ang pag-aayos.

Samantala, sinabi naman ng kinatawan ng Navotas na si Toby Tiangco na may P299 milyon na budget ang inilaan sa 2024 para sa rehabilitasyon ng navigational gate, na gagamitin na ngayon sa pagsasaayos nito kasunod ng tinamong pinsala.

“Fortunately, we have the funding which is supposedly for its rehabilitation,” ani Cong. Tiangco.

Sinabi naman nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na patuloy ang kanilang nagsisikap para maibsan ang epekto ng pagbaha sa ilang lugar sa kanilang mga lungsod dahil ang panahon ng Hulyo hanggang Setyembre ay high tide season.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang agarang pagsasaayos sa navigational gate ay kritikal para sa mga residente at industriya.

Ilang barangay sa Malabon at Navotas ang nakararanas ng pagbaha lalo na kapag high tides dahil sa hindi gumaganang floodgate matapos masira nang banggain ng isang barge noong Hunyo 7.

Gayunman, sinabi nina Mayor Tiangco at Mayor Jeannie na patuloy ang paglalagay nila ng mga sandbagging para kahit papaano ay mapigilan ang pagpasok ng tubig kapag high tide at tuloy-tuloy din anila ang operation ng mga pumping stations sa iba-ibang lugar sa dalawang lungsod.