December 23, 2024

LGBTQUIA+ COMMITEE NI MARCOS BINUO NI MARCOS

BUMUO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang special committee para tugunan ang mga concern ng LGBTQIA+ community, isang hakbang na naglalayon na palakasin ang “diversity” at “inclusivity” sa bansa.

Base sa EO 51 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Biyernes, Disyembre 22, nakita raw ni Marcos ang pangangailangang palakasin ang Diversity and Inclusion Program (DIP) at muling buuin ang Inter-Agency Committee nito upang matiyak ang patuloy na pagsunod ng bansa sa mga obligasyon nito sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights.

Binubuo ng EO ang Inter-Agency Committee on Diversity and Inclusion bilang Diversity and Inclusion Committee, na pangungunahan ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Magiging co-chair naman ng komite ang mga kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Labor and Employment (DOLE), habang magsisilbing vice chair ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Samantala ang kalihim ng Department of Education (DepEd), Department of Justice (DOJ) at Department of Health (DOH), at chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) at Special Committee on LGBTQIA+ Affairs ang magiging miyembro ng naturang komite.

Ayon kay Marcos, patuloy na gagampanan ng komite ang mga tungkulin nito sa ilalim ng mga kasalukuyang mandato nito. Maaari rin itong lumikha, magpulong at muling ayusin ang mga sub-committee, at/o mga grupong nagtatrabaho upang tumulong sa pagganap ng mga tungkulin nito, na napapailalim sa mga umiiral na batas, tuntunin at regulasyon.

Samantala, nilikha naman ang Special Committee on LGBTQIA+ Affairs sa ilalim ng Inter-Agency Committee. Pangungunahan umano ito ng isang chairperson na may ranggong undersecretary, kung saan ang magiging tatlong miyembro nito ay may ranggong assistant secretary. Hihirangin daw ng pangulo ang naturang mga miyembro ng special committee.