December 26, 2024

Launching ng Covid-19 vaccination para sa edad 5-11 sa CAMANAVA, tagumpay

Binisita nina Navotas City Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco ang unang araw ng pediatric vaccination sa lungsod para kamustahin ang mga batang binakunahan. Nasa 422 na mga batang Navoteño na edad 5-11 taong gulang ang nabakunahan laban sa COVID-19 kung saan nakatanggap ang mga ito ng candy mula sa Columbia at loot bags mula sa Relief International. (JUVY LUCERO)

Naging matagumpay ang unang araw na isinagawang paglulunsad ng COVID-19 Vaccination para sa edad 5 hanggang 11 sa mga Lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela kung saan umabot sa halos 4K ang nabakunahan na mga kabataan.

Sa datos ng Caloocan City Health Department, nasa 2,116 ang kabuuang bilang ng mga batang edad 5-11 ang nabakunahan kahapon kung saan Pfizer vaccine (0.2ml) ang ginagamit na bakuna matapos itong maaprubahan ng Food and Drug Administration para sa pagbabakuna sa nasabing age group.

Umabot naman sa 206 batang Malabonian edad 5-11 ang nabakunahan kontra Covid-19 sa dalawang vaccination sites sa Oreta Sports Complex at Robinsons Townmall sa Malabon City.

Kabilang sa mga sumuporta sa programa sina Mayor Lenlen Oreta, Cong. Jaye Lacson-Noel, Konsehal Enzo Oreta, at iba pang mga opisyal.

Sa Navotas, nasa 422 na mga batang Navoteño edad 5-11 ang nabakunahan laban sa COVID-19 kung saan personal na bumisita sina Mayor Toby Tiangco, Cong. John Rey Tiangco, pati na ang ating mascot na si Avot John, para kumustahin ang mga batang binakunahan.

Ang mga batang NavoBakunado ay nakatanggap ng candy mula sa Columbia at loot bags mula sa Relief International.

Mahigit 1,000 naman kabataan na edad 5 hanggang 11 ang nakatanggap ng kanilang unang doses ng bakuna na Pfizer sa Valenzuela City kung saan personal din na binisita ni Mayor REX Gatchalian ang mga vaccination site upang matiyak na maayos ang pilot run ng pagbabakuna.

Patuloy namang hinihikayat ng apat na Pamahalaang Lungsod ang mga magulang o guardian na pabakunahan ang mga anak para sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.