Nasawi ang isang 46-anyos na binatang karpintero matapos malunod nang mahulog sa ilog habang umiihi dahil sa labis na kalasingan sa Malabon City.
Biyernes na ng tanghali nang matagpuan ni Reden Alejo, 47, ang lumulutang na bangkay ng nakababata niyang kapatid na si Roel Alejo sa Muzon River matapos na mawala noong Huwebes ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nakipag-inuman ang biktima sa kaibigang si Ronald Monsaya noong Huwebes ng hapon sa kanilang tirahan sa No. 9 Kaunlaran St. Brgy. Muzon na inabot ng hanggang alas-10 ng gabi.
Matapos ang pag-iinuman, nagpahinga na ang biktima, subalit ilang sandali lang ay nakita siya ng kanyang kuya Reden na tumayo at lumabas ng bahay upang umihi malapit sa ilog.
Hindi na nakabalik ng higaan si Roel kaya’t nag-alala na ang kanyang kapatid matapos na mawalang parang bula ang biktima.
Magdamag na hinanap ni Reden ang nakababatang kapatid, kasama ang mga kaibigan, hanggang matagpuan niya ang lumulutang nitong bangkay bago mag-alas-12 ng tanghali sa Muzon River.
Ayon kay P/SSgt. Mark Alcris Caco, may hawak ng kaso, wala namang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima magiging palatandaan na may nangyaring karahasan sa kanyang pagkamatay kaya’t hiniling na lamang ng kanyang pamilya na huwag ng ipagpatuloy ang imbestigasyon sa paniwalang nalunod ito dala ng kalasingan.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA