Inilunsad ng Las Pinas City government ang “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” upang siguruhing makatatanggap ang lahat ng mamamayan nito ng kanilang bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Mayor Imelda Aguilar na layunin ng “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” program na mas ilapit sa mga residente ang mga serbisyong pangkalusugan ng lungsod partikular na ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga indibiduwal na natitirang hindi pa bakunado at sa mga nakatakdang tumanggap ng kanilang booster shots.
Ayon pa sa alkalde, may 21 vaccination teams at ang bawat grupo nito ay binubuo ng apat hanggang limang miyembro na pangungunahan mismo ni City Health Office (CHO) chief, Dra. Juliana Gonzales,na ipapakalat sa iba”t ibang barangay sa lungsod para sa pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa mga residente.
Inihayag pa ni Mayor Aguilar na ang dineploy na vaccination teams sa mga barangay ay mamamahagi rin ng paracetamol at vitamin C para sa ma indibuwaul na tumanggap ng kanilang bakuna kontra COVID-19.
Nagtakda rin aniya ng 20 na fixed posts sa bawat barangay sa lungsod para sa kumbinyente ng mga residente at madali nilang mapuntahan para mabakunahan at makatanggap din ng booster shots ang mga bakunado.
Bukod dito, sinabi pa ng alkalde na may isang team na magsasagawa ng house-to-house vaccination o bahay-bahay na pagbabakuna upang maserbisyuhan ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Pinaalalahanan ni Mayor Aguilar ang mga residente na may comorbidities na mas mainam na magpunta sa mga itinakdang vaccination sites ng lokal na pamahhalaan upang maayos na mamonitor ang mga pasyente.
Idinagdag pa nito na ang “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Pinas” program ay isasagawa sa buong buwan ng Marso.
Samantala, sinabi naman ni Vice-Mayor April Aguilar na nais ng Pamahalaang Lokal ng Las Piñas na matiyak sa mga residente ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng COVID-19 vaccines at booster shots sa pamamagitan ng “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Pinas” program na magbibigay ng proteksiyon laban sa virus.
Ipinaliwanag ng bise-alkalde na isinailalim sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) kaya ang lahat ng mga aktibidad ay nasa 100 porsiyento na kapasidad kalakip ang proteksiyon sa kalusugan sa pamamagitan ng pagbabakuna laban sa virus para sa mga residente sa lungsod. (Danny Ecito)
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA