HABANG nalalapit ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections(BSKE) sa October 30, muling binuhay ni Sen Manuel Lito Lapid ang panukalang magbibigay ng karapatan sa maagang pagboto sa lahat ng kwalipikadong senior citizens (SCs) at persons with disabilities (PWDs) sa local and national elections.
Sa paghain ng Senate Bill No. (SBN) 2361, sinabi ni Lapid na dapat bigyan ng pagkakataon ang nasabing sectors na bumoto sa loob ng pitong araw sa accessible establishments na tutukuyin ng Commission on Elections (Comelec), bago ang nakatakdang lokal at pambansang halalan.
“Eleksyon na naman po sa Oktubre 30. Ako po ang nahihirapan na makita ang ating mga lolo at lola, kasama na ang mga may kapansanan, na nakikipaggitgitan sa pilahan upang magamit lamang ang kanyang karapatang bumoto,” sabi ni Lapid.
Base sa 2021 data ng Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 2,754,813 kababaehan at 3,635,271 kalalakehan na may edad 65 pataas sa buong bansa.
“Hindi dapat ma-disenfranchise o hindi makaboto ang nasa milyun-milyon nating senior citizens at PWDs sa mga susunod na eleksyon. Umaasa ako na maipapasa ang panukalang ito bago pa sumapit ang 2025 elections,” dagdag pa ng Senador.
Binigyang-diin pa ni Lapid na ang karapatang bumoto ng ating mga kababayan ay pundasyon ng ating demokratikong lipunan.
“Sa Pilipinas, senior citizens at PWDs ay malaking bahagi ng ating populasyon na nararapat talagang mabigyan ng espesyal na pagtingin o atensyon sa pamamagitan ng garantiyang sila ay makaboto,” pahayag pa ni Lapid.
Tinukoy pa ng Senador na may limitasyong pisikal at medikal ang mga senior citizen at PWDs na kung saan nahihirapan silang makaboto dahil kasabay nila ang lahat ng mga botante sa panahon ng eleksyon sa kani-kanilang presinto.
“Sa pamamagitan ng hiwalay na araw bago ang aktwal na botohan, mabibigyan natin sila ng sapat na pagkalinga at panahon para makaboto. Maiiwasan din ang mahabang pila, siksikan at init sa presinto na delikado sa ating mga lolo, lola at PWDs,” paliwanag pa ng 68 anyos na Senador.
Nauna na ring nagsumite ng kahalintulad na panukalang batas si Senadora Cynthia Villar.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA