December 24, 2024

LAPID: ATAKE SA PUSO, NANGUNGUNA PA RING SAKIT NG MGA PINOY

ANG atake sa puso ang isa sa mga pangunahing karamdaman sa Pilipinas na  nagdudulot ng agarang kamatayan sa mga Pilipino, pero maaari pa ring mailigtas ang buhay kung maaagapan ito.

Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ni Senador Manuel Lito Lapid ang Senate Bill No. 1324 na naglalayong maglagay ng Automated External Defibrillators (AED) sa mga pampubliko at pribadong lugar, gaya ng government buildings, opisina, hotels, resorts, condominiums, mga korte, paaralan, parke, palengke at transport terminals.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinukoy ni Lapid na umabot sa 77,173 Pinoy ang nasawi dahil sa Ischemic heart disease mula January hanggang September 2022.

Sabi pa ng PSA umaabot sa  12.7 percent ng mga kaso ng cardiac arrest ay nangyayari sa Pilipinas kaya ito  itinuring na ‘top killer disease’ sa mga Filipino.

Base sa panukala ni Lapid,  layunin nyang makapagbigay ng agarang tulong para magkaroon ng tsansa pang mabuhay ang mga Pinoy na maaaring makaranas ng atake sa puso, lalo na ang may mga heart disease.

Isinulong ni Lapid ang panukala bilang pakikiisa ng Pilipinas sa international community sa pagdiriwang ng World Heart Day sa Biyernes, September 29.

Sabi pa ng Supremo ng Senado na gagawin ng mandatory sa mga nabanggit na lugar ang paglalagay ng AEDs at magkakaroon din ng pagsasanay ang mga kawani o first-aid teams sa bawat luvar.

“Bukod sa paglalagay ng mga AED sa public at private spaces, kasama sa ating panukalang batas ang training program sa mga Pinoy na pangungunahan ng Department of Health (DOH) para sa tamang paggamit at maintenance ng AED units, kasabay ng regular na mga first-aid training. Gagawing requirement ang pagkumpleto sa nasabing training ng mga emergency response o first-aid teams ng bawat establisyemento bago sila mabigyan ng AED units,” dagdag pa ng Senador

Sinuportahan naman ng Philippine Heart Association (PHA) at ng Philippine College of Cardiology (PCC) ang Lapid bill.

Sabi ng PHA at PCC na mahalagang pagtuunan ng atensyon ang kalusugan ng ating puso dahil.ang sakit sa puso ay maituturing na magnanakaw na umaatake sa gabi na dahilan ng mabilis na kamatayan ng pasyente.

Pero, giit ng PHA at PCC na maaari pa rin anyang magkaroon ng tsansang maka-survive sa mabilis at wastong   medical intervention. 

Ang AED ay isang portable at life-saving device na makatutulong sa pagsalba ng isang buhay ss pamamagitan ng electric shock.

“Meron na po tayong teknolohiya, gaya po ng AED, upang iligtas ang mga taong nakaranas ng cardiac arrest at bigyan sila ng mabuting pagkakataon na magkaroon ng normal na buhay matapos and insidente. Kailangan lamang ilagay natin ito sa mga lugar kung saan madali po silang maabot upang magbigay ng agarang lunas,” diin pa ni Lapid 

Nakasaad pa sa Lapid bill ang paglalatag ng guidelines, gaya ng   FDA approval at periodic inspection sa AED units. 

Gayundin ang paglalatag ng patakaran sa paglalagay ng AEDs sa accessible, istratehiko at ligtas na lugar.