January 22, 2025

LANDBANK INUPAKAN SA MALIIT NA PAUTANG SA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT P3.6-B UTANG NG MARIKINA

Kung mayroong dapat buhusan ang Land Bank of the Philippines (LBP) ng malaking porsiyento ng kanilang pautang ay ang mga magsasaka at mangingisda upang mapaunlad ang sektor na ito na mahalaga sa ekonomiya ng bansa.

Ito ang iginiit House Committee on Appropriations senior Vice chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa isang privilege speech, matapos matuklasan na 61.38% o P694.55 bilyon ng pautang ng LandBank ay sa mga malalaking korporasyon samantalang 0.09% lamang o P1.07 bilyon ang pautang sa mga indibidwal na magsasaka at mas maliit pa rito ang pautang sa mga kooperatiba at maliliit na negosyo.

“LandBank was created to serve the underserved—not to compete with private banks in funding large corporations. Yet today, it has become a profit-driven institution, focused on servicing big businesses while neglecting the sectors that need its support the most,” ani Quimbo.

Lumalabas na mas malaki ang naipautang ng Land Bank sa ibang sektor gayong ang kanilang misyon ay tulungan ang agricultural business sa bansa. Naloko na!

Kailangan ipokus aniya ng Landbank ang kanilang atensyon sa kanilang orihinal na misyon lalo na’t kailangan na kailangan ngayon ng mga mangingisda at magsasaka ang tulong mula sa gobyerno.

Nababahala rin si Quimbo sa kawalan umano ng transparency sa pautang ng Landbank sa mga lokal na pamahalaan gaya ng Marikina City na ang utang ay P3.6 bilyon.

Aba’y mas malaki pa ang utang ng Marikina City kaysa sa P3.09 bilyong taunang budget nito. Boom!

Ngayon ang tanong ng mga taga-Marikina, saan ginastos ang inutang?

Sinabi ni Quimbo, na humingi ito sa LandBank ng mga impormasyon kaugnay ng utang subalit tumanggi umano ang bangko na ibigay ito.

Iginiit ng lady solon ang pangangailangan na magkaroon ng transparency sa pangungutang lalo at ang taumbayan ang magbabayad nito.

“Wala bang karapatan ang taumbayan na malaman kung saan at papaano ginasta ang utang nasa huli ay sila rin ang magbabayad mula sa kanilang sariling bulsa?” ayon kay Quimbo.

Dahil dito, hiniling ni Quimbo sa House Committee on Public Accounts na imbestigahan ang lending practice ng
LandBank gayundin ang prosesong ginagamit nito.

Abangan…