February 6, 2025

LAND GRABBING NG PAMILYA VILLAR WALANG KATOTOHANAN

Mariing itinanggi ni Senatorial aspirant at Las Piñas Rep. Camille Villarna ang mga alegasyon na sangkot ang kanyang pamilya sa land grabbing o illegal na pangangamkam ng lupain at iginiit na walang katotohanan ang mga paratang.

Sa panayam sa “Bakit Ikaw: The DZRH Job Interview for 2025 Elections, nitong Miyerkules, Pebrero 5, sinagot ni Villar ang matagal ng ibinabatong akusasyon laban sa kanyang pamilya at binigyang-diin na wala silang ninanakaw sa mga magsasaka o agricultural lands.

“Wala naman po kaming ninanakaw sa mga magsasaka or agricultural lands,” aniya.

Nilinaw ni Villar na ang mga alegasyon na ito ay matagal nang ipinupukol sa kanilang pamilya, ngunit tiniyak niya na ang kanilang mga operasyon at legal at ganap na sumusunod sa mga batas ng Pilipinas.

Binigyang-diin niya na ang pag-unlad ng ari-arian ng kanilang kompanya, kabilang ang mga subdibisyon, ay dumaan sa tamang proseso at ang mga apektadong landowners ay maayos na binayaran.

“Lahat naman po ng ginagawa ng kumpanya namin ay legal at sang-ayon sa batas. Lahat naman po ng property na aming dine-develop o ginagawang subdivision ay duly compensated naman po at ayon sa batas ng Pilipinas,” aniya Villar.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na ang kanyang pamilya, kabilang ang kanyang ina na si Sen. Cynthia Villar at kanyang ama na si dating Senate President Manny Villar, ay masugid na tagapagtaguyod para sa pag-unlad ng sektor sa agrikultura.

“Ang akin pong pamilya, lalong-lalo na ang aking mother na si Cynthia Villar, ang buong karera niya po sa Senado, maging ang aking papa rin na si Senate President Manny Villar was the Chairman of Agriculture at one point, and they have always believed at gusto talaga nila palaguin at paunlarin ang sektor ng agrikultura,” dagdag niya

Binigyang-diin ni Villar na ang layunin ng kanilang pamilya ay makatulong sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura, na itinuturing niyang mahalaga para sa paglikha ng trabaho at pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa.