November 3, 2024

LAMPUNGAN SA PAMPUBLIKONG LUGAR, BAWAL NA – PNP

MAHIGPIT na ipinagbabawal ang public displays of affection (FDA) ng mga mag-asawa, magkasintahan, magkaibigan at magkakaanak sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Brig. Gen. Ildebrandi Usana, tagapagsalita ng National Police, bahagi ito ng paghihigpit upang matiyak na masusunod ang minimum health at safety protocols sa mga lokalidad at establisyimento.

“Isa lang ho ito sa mga panuntunan na na-mention even in the past on the implementation of health and safety protocols,”  saad niya. 

“Hindi po ito naiba, nire-reiterate lang ito ng PNP.”

Kasama sa ipagbabawal ang hawakan ng kamay, halikan at yakapan habang nasa pampublikong lugar.

Hindi naman nabanggit ni Usana ang kaparusahan para sa sinumang lalabag.

“Sisitahin lang po. Siguro sa tingin lang ng pulis, baka madala na sila. O kung lalapitan, pwedeng kausapin, sasabihing ”di pwede iyan,” dagdag ng opisyal.