November 6, 2024

Lalaking pagala-gala habang armado ng baril, arestado sa Valenzuela

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang lalaki nang isumbong siya sa pulisya dahil may bitbit na baril habang pagala-gala sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, naarestong suspek na si alyas Nathaniel, 22, ng GSIS Hills Subdivision, Brgy., Talipapa High School, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang Police Sub-Station 8 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Christian Famorcan hinggil sa isang lalaking armado ng baril habang pagala-gala sa Del Mundo St., Brgy., Ugong.

Kaagad inatasan ni Cpt. Pamorcan sina PCpl Al Sanchez, PSSg Rafaelito Santos, at PSSg Elbern Chad De Leon na puntahan ang nasabing lugar para beripikahin ang report.

Gayunman, nang mapansin ng suspek ang presensiya ng mga pulis ay kaagad umano nitong itinago sa kanyang baywang ang dalang baril subalit, nakita ito ng parak na nagresulta sa pagkakadakip sa kanya.

Ayon kay P/Lt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), walang naipakita ang suspek nang hanapan siya ng mga arresting officer ng mga dokumento hinggil sa legalidad ng nakumpiska sa kanya na isang cal. 38 revolver na kargado ng isang bala. Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.