December 23, 2024

Lalaking nagpaputok ng baril sa Valenzuela, laglag sa selda

SWAK sa hoyo ang isang lalaki matapos damputin ng pulisya makaraang ireklamo ng pagpapaputok ng baril sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Police Sub-Station (SS5) Commander P/Capt. Robin Santos kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen at inireport sa kanila ang hinggil sa isang lalaki na nagpaputok umano ng baril sa gilid ng Arkong Bato Basketball court sa Urrutia St., Brgy. Arkong Bato dakong alas-10:40 ng umaga.

Kaagad namang inatasan ni Capt. Santos ang kanyang mga tauhan na puntahan ang nasabing lugar kung saan pagdating ng mga pulis sa lugar ay positibong inginuso sa kanila ng testigo ang isang lalaki na siyang nagpaputok ng baril.

Agad inaresto ng mga tauhan ni Capt. Santos ang suspek na si alyas “Buang”, 53, welder ng lungsod at nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .22 revolver na kargado ng apat na bala at isang basyo ng bala.

Nang hingan siya ng kaukulang papeles hinggil sa legalidad ng naturang baril ay walang naipakita ang suspek kaya binitbit siya ng pulisya.

Ayon kay Capt. Santos, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act sa Valenzuela City Prosecutor’s Office