November 24, 2024

LALAKING NAGBEBENTA NG ENDAGERED NA HIGANTENG KABIBE, NADAKMA

NASAMSAM sa isang lalaki ang P50 milyon halaga ng ng giant clams (taklobo) sa isang operasyon sa Negros Oriental, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief Gen. Debold Sinas, nadakip ang suspek na si Ricardo dela Cruz ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at environment protection operatives matapos bentahan  ng 1,000 kilograms ng higanteng clams ang isang nagpanggap na buyer sa Barangay Pagatban, Bayawan City noong Biyernes.

Samantala, hindi pa nahuhuli ang isa pang suspek na si Yan Hu Liang, ang umano’y may-ari ng higanteng kabibe.

Nasabat mula sa suspek ang marked money, higanteng kabibe, isang .45 caliber pistol at live ammunition.

Pansamantalang nakakulong si Dela Cruz sa Bayawan City Police Station at kakasuhan ng paglabag sa fisheries law ng bansa.

Una nang idineklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ang paghuli sa higanteng kabibe ay labag sa batas dahil itinuturing ito na kabilang sa endangered marine species, tulad ng nasa listahan ng Convention on the International Trade in Endagered Species of Wild Fauna at Flora at itinakda sa Fisheries Administrative Order 208.


“This accomplishment ensures that the sustainable conservation and protection of fishery and aquatic resources law is being implemented by our local authorities,” ayon kay Sinas.