December 26, 2024

Lalaking most wanted sa pagpatay, timbog sa Navotas

BAGSAK sa kalaboso ang isang lalaki na listed bilang most wanted dahil sa kasong pagpatay matapos matimbog ng pulisya sa manhunt operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado bilang si Bartolome Obzunar Jr, 38 ng R-10 Sitio Sto. Nino, Brgy. NBBS Proper.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS)  ng Navotas police na naispatan ang presensiya ng akusado sa kanilang lugar.

Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, agad nagsagawa ang mga operatiba ng WSS, kasama ang Sub-Station 4 ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Obzunar sa kanyang bahay dakong ala-1:45 ng hapon.

Si Obzunar ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Benjamin T. Antonio ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 170 noong March 29, 2004 para sa kasong Murder.