September 28, 2024

Lalaking laman ng barangay, patay sa pamamaril

PATAY ang isang 26-anyos na lalaki na sangkot sa iba’t ibang krimen matapos barilin sa loob ng isang tricycle na kanilang tinutulugan ng kanyang ka-live-in na nakaparada sa Sampaloc, Manila.

Kinilala ang nasawi na si Bernie Benza, alyas Bungo”. 26, ng Brgy. 479 Zone 47, Sampaloc.

Ayon sa Manila Police District-Sampaloc Station 4, naganap ang pamamaril dakong alas-10:30 ng gabi malapit sa Ramon Magsaysay High School na matatagpuan sa Dos Castillas Street sa España Boulevard.

Natutulog ang biktima sa loob ng isang tricycle kasama ang kanyang kasintahan nang dumating ang dalawang lalaki. Binaril ng isa sa kanila ang biktima at mabilis na tumakas patungo sa Dimasalang Street.

Base sa salaysay ng mga opisyal ng barangay sa lugar, laman palagi ng reklamo ang naturang biktima bago ito pinaslang.

Natagpuan din ang isang nakaw na bagay sa tabi ng tricycle kung saan naganap ang pamamaril pero ayon sa partner ng biktima, nakuha lamang nila ang bisikleta na nakasalampak sa kalsada  na walang umaangkin.