February 22, 2025

Lalaking bibili ng tinapay, dalawang beses nasagasaan patay

PATAY ang isang 35-anyos matapos masagasaan ng multi-purpose vehicle (MPV) at magulungan ng isang 16-wheeler truck sa Antipolo, Rizal.

Makikita sa CCTV footage na tumatawid ang biktima sa kalsada sa Barangay San Jose dakong alas-5:00 ng madaling araw nitong Martes.

Ayon sa imbestigasyon ng Antipolo Police, bibili lang sana ang biktima ng pandesal nang mangyari ang insidente.

Samantala, agad na sumuko ang driver ng truck sa mga awtoridad at kinulong kalaunan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo City Police Station, aminado ang truck driver na nasagasaan niya ang biktima. “However, during the course ng investigation, pinakita rin natin sa family na ito talaga yung nangyari. Mayroon tayong CCTV kung saan nagpapatunay na wala ng pagkakataon yung truck driver para maiiwas niya yung insidente,” ayon kay Manongdo.

Hindi na kinasuhan ng pamilya ng biktima ang truck driver habang patuloy pa ring pinaghahanap ang driver ng MPV.

“Sana yung nakabangga sa asawa ko, magpakita na. Hustisya ang kailangan sa asawa ko. Hindi mababalik yung buhay ng asawa ko,” ayon sa asawa ng biktima.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang MPV driver.