May 1, 2025

Lalaki, tiklo sa illegal na baril sa Malabon

Malabon City — Arestado ang isang 44-anyos na lalaki matapos maaktuhang nagtatago ng hindi lisensyadong baril sa ikinasang operasyon ng pulisya sa Brgy. Longos, Malabon City.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jeff,” na nahulihan ng isang kalibre .38 revolver na may lamang apat na bala, matapos halughugin ng Malabon Police Sub-Station 5 (SS5) ang kanyang bahay sa Blk 40, Arowana Alley, dakong alas-9:30 ng gabi.

Batay sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nagsagawa ng operasyon ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa umano’y pagtatago ni Jeff ng ilegal na baril.

Agad na kumilos si SS5 Commander P/Capt. Lalaine Almosa, at sa bisa ng search warrant na inisyu ng Malabon RTC Branch 292, sinalakay ang tahanan ng suspek.

Nabigo si Jeff na magpakita ng anumang dokumento na magpapatunay sa legalidad ng kanyang armas, dahilan upang siya’y agad arestuhin at sampahan ng kasong paglabag sa Section 28 ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.

Pinapurihan ni Gen. Ligan ang Malabon police sa kanilang pinaigting na kampanya kontra loose firearms, lalo’t kasalukuyang ipinatutupad ang election gun ban upang maiwasan ang anumang uri ng karahasan ngayong halalan.