March 25, 2025

Lalaki, tigbak sa saksak dahil sa selos

PATAY ang isang lalaki matapos pagsasaksakin ng 28-anyos na kelot dahil sa selos sa Malabon City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente ng pananaksak sa biktimang si alyas “Frederick”, 20, sa kanto ng Lapu-Lapu Avenue at Pampano St. na nahagip pa ng kuha ng CCTV sa lugar.

Nadakip naman ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan sa follow-up operation ang suspek na si alyas “Otep” at na-recover din sa kanya ang gamit na motorsiklo sa pagtakas.

Sa panayam kay Col. Baybayan, inamin umano ng suspek na matinding selos ang nagtulak sa kanya upang pagsasaksakin ang biktima sa hinalang nililigawan nito ang kanyang live-in partner kaya madalas na nagtutungo sa kanilang tindahan upang magpa-Gcash.

Unang naghinala ang pulisya na onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay matapos makuha sa nasawing biktima ang isang plastic na may lamang marijuana, bukod sa natuklasan na nahuli at nakulong na rin siya noong taong 2021 at 2023 dahil sa kaso ng droga.

Nakilala ang suspek nang lumutang ang dalawang truck helper na nakasaksi sa pangyayari at isa sa kanila ay naging kapitbahay pa ni alyas Otep. Aminado ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong murder na nakainom siya nang isagawa ang pananaksak at sa pagnanais na agad makatakas, naiwanan niya sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang ginamit niyang patalim.